Sunday, August 31, 2008

Ikalawang Lap


punding hedlayt. pudpod na gulong. yupi-yuping kaha.
imposibleng tatagal pa siya.

makinang kumakalampag. gasolinang papaubos. prenong di kumakagat.
panganib sa sarili at sa kapwa ang dala.

humaharurot ang lahat sa kanyang paligid--
mga sasakyang paikut-ikot sa race track ay
walang busi-busina kung ungusan ang bawat isa
upang sa finish line ay mauna.

wari'y nabulag na ang tanan sa nagkikislapang ilaw o
nabingi sa ngitngit ng mga makinang galit.
sa puntong ito, nais lamang ng drayber na huminto,
lumabas ng kanyang sira-sirang sasakyan at humiga sa gitna ng race track
hanggang malula sa lalim ng langit.


bakit tila may mali sa pagmamadali?


nais niya munang lumayo sa ingay ng lahat at maglakad sa dalampasigan.
nawa'y mapawi ang init ng kanyang ulo at maitama ang litong dibdib.
at sa paglanghap sa simoy ng paparating na payapang amihan,
sana tanong niya'y masagot na:

tuloy o tigil?