
Teka, punasan mo muna ang papatak na luha.
Wag mong sayangin ang panahon sa pag-aalala
sa mga tao at mga pangyayaring nakasakit sa iyo.
Iwan mo na itong sulok ng pagmumukmok.
Alisin mo na ang ngitngit na namumuo sa puso.
Huwag ka nang magalit sa manggagamit.
Hindi ba kusa ka rin namang nagpagamit
at lihim pang naghintay ng kapalit?
Tahan na. Heto ang balikat ko.
Sumandal ka muna hanggang mabawi mo ang iyong lakas.
Sabay tayong titindig at lalakad.
Aakayin kita.
Kumapit ka lang nang mahigpit sa aking magaspang na kamay.
At sa paghupa ng unos sa isip mo,
huwag mo naman akong pagdamutan ng iyong ngiti
na magsasabing ika'y panatag na.